LAOAG CITY – Isa ang patay habang 19 katao ang sugatan sa pagbaliktad ng isang dump truck sa bahagi ng Barangay Visaya sa Vintar, Ilocos Norte.

Nakilala ang namatay na si Rodolfo Herrera, taga-Bicol pero nakapangasawa ng taga-Marcos, Ilocos Norte.

Ayon kay PCpt. Joseph Calderon, chief of police sa bayan ng Vintar, ang driver lamang ng truck na si Dante Coloma, 44, taga-Barangay Tabucbuc sa bayan ng Marcos ang hindi nasugatan.

Sa inisyal na imbestigasyon, sinabi ni Calderon na ang nasabing truck ay may kargang mga bato at 19 na pasahero.

Dagdag ni Calderon, posibleng hindi kinaya ng driver ang bigat ng sasakyan dahil sa dami ng kargang mga bato at 19 na katao ay nawalan ng kontrol na nagresulta ng pagbaliktad nito sa kabundukang bahagi ng lugar.

Itinakbo lahat ng mga nasugatang biktima sa Governor Roque Ablan Senior Memorial Hospital dito sa lungsod ng Laoag.

Nasa kustodiya na rin ng PNP-Vintar ng driver ng truck at inihahanda na ang reklamong isasampa laban dito.