-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang lalaki habang nasugatan ang 11 kasama nito matapos mahulog ang kanilang sasakyan sa bangin sa Keat, Nagtipunan, Quirino.

Ang nasawi ay ang pasahero na si Chanler Dalus, 32-anyos, at residente ng Macabenga, Dupax Del Norte, Nueva Vizcaya.

Nasugatan naman ang 11 pang sakay ng L300, kabilang ang driver na si Jay-Ar Plamo, na pawang mga residente ng Macabenga, Dupax Del Norte, Nueva Vizcaya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Quintin Baquiran, hepe ng Nagtipunan Police Station, sinabi niyang galing sa Dupax Del Norte, ang mga biktima at papunta sana sa Keat Falls upang mag-piknik.

Nang makarating sa pababa at palikong bahagi ng kalsada ay posible umanong nawalan ng preno ang sasakyan kaya ito napunta sa kanang bahagi ng kalsada at nahulog sa bangin.

Nayupi at gumulong ang sasakyan kaya naipit si Dalus na dahilan ng kanyang pagkasawi.

Nagtamo rin ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang iba pang pasahero na agad isinugod sa pagamutan sa lalawigan ng Nueva Vizcaya.

Ayon kay PMaj. Baquiran, posibleng hindi kabisado ng driver ang daan na kilala ring puno ng matatarik na akyatan at may mga palikong bahagi.