TUGUEGARAO CITY – Dead on the spot ang isang 39-anyos na lalaki matapos sumalpok ang minamanehong motorsiklo sa kasalubong na sasakyan sa Barangay Amunitan, Gonzaga, Cagayan.

Kinilala ang nasawing driver ng motorsiklo na si Leonard Villoria habang sugatan ang back rider nito na si Orlando Garingan, 24-anyos at kapwa residente sa bayan ng Sta. Ana.

Ayon sa pulisya, mabilis ang patakbo ng biktima nang unang bumangga sa barikada hanggang sa napunta sa kabilang linya ng kalsada at sumalpok sa kasalubong na elf truck na minamaneho ni Clifford Palattao, 53-anyos.

Nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at mga sugat sa katawan ang biktima na sanhi ng kanyang pagkamatay.

Dinala na sa Gonzaga PNP ang wasak na motorsiklo ng biktima at sasakyan para sa kaukulang disposisyon habang inihahanda na ang kasong isasampa laban sa driver ng elf truck.