-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nakapagtala na ang North Cotabato Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council ng isang katao na nasawi sa kasagsagan ng 4.3 magnitude na lindol.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay North Cotabato PDRRMO chief Mercy Foronda, isang 65 anyos na matanda mula sa bayan ng Mlang ang binawian ng buhay nang nangyari ang pagyanig.

Maliban dito, isa rin ang sugatan sa naturang kalamidad.

Ayon kay Foronda, sinuspinde ang lahat ng antas ng klase sa Kidapawan, Makilala, Tulunan at Magpet upang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante.

Maaga ring pinauwi ang mga empleyado ng Kidapawan LGU matapos sinuspinde ang kanilang trabaho dahil sa lindol.

Kaugnay nito, kaagad silang nagpaabot ng tulong sa mga apektadong mga residente.

Muli ring nagpaalala ang opisyal na maging mapagmatyag sa paligid at unahin ang kaligtasan ng bawat isa.