BUTUAN CITY – Napatay ng mga tauhan ng 75th Infantry Battalion, Philippine Army sa ilalim ng operational control ng 401st Brigade, ang isang rebeldeng New People’s Army (NPA) matapos ang engkwentro sa masukal na lugar ng Sitio Montenegren, Brgy San Isidro, Marihatag, Surigao del Sur nitong nakalipas na alas-11:35 ng umaga.
Tinatayang aabot sa 20 mga rebeldeng NPA ang nakasagupa ng tropa ng gobyerno matapos ilang mangikil sa naturang lugar.
Tumagal ng 10-minuto ang bakbakan bago tumakas ang mga rebelde at iniwanan ang napatay nilang kasamahan na patuloy pang kinikilala.
Narekober ng kasundaluhan sa encounter site ang anim na mga high powered firearms na kinabibilangan ng tig-dadalawang M16 rifles at AK-47 rifles at tig-iisang M653 rifle at M203 grenade launcher.
Narekober din nila ang iba pang mga war materials gaya ng 16 na mga tents, pitong mga backpacks, tatlong mga commercial radios, isang GPS, improvised explosive device paraphernalia at mga dokumentong may high intelligence value.
Kaugnay nito’y inihayag ni 401st Brigade commander Col Rommel Almaria na posibleng may iilan pang mga rebeldeng sugatan dahil sa traces ng dugo sa daan na dinaanan ng mga rebelde sa kanilang pagtakas.