BAGUIO CITY – Iniutos na ni Mayor Benjamin Magalong ang pagsailalim sa community quarantine ng buong Baguio City sa loob ng isang buwan.
Epektibo ito ngayong araw, March 16, dahil sa patuloy ng banta ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ilalabas na rin aniya ang pormal na kopya ng order para sa guidelines ng ipapatupad na community quarantine.
Samantala, pinalawig ang class suspension sa lahat ng antas sa Baguio sa mga pribado at pampubliko paaralan hanggang April 15.
Temporaryo rin isinara ang ilang pasyalan sa lungsod gaya ng Children’s Park, Dominical Hill and Heritage Park, Mines View Park at Botanical Garden sa loob ng 14 days, habang kanselado ang boating at biking activities sa Burnham Park.
Sa kabilang dako, papatunugin din ng dalawang beses ang “wang-wang” ng City Hall. Una ay tuwing alas-9:30 ng gabi na hudyat na dapat ng maghanda para sa pag-uwi ang mga tao na nasa labas pa ng kanilang bahay. Ang pangalawa naman ay nangangahulugan na dapat nang magsiuwian ang mga tao.
Pinabulaanan naman ng Inter-agency Task Force ng Baguio ang kumakalat na balita sa lungsod ukol sa turista na nagtungo at tumuloy dawsa isang sikat na hotel ngunit pagbalik ng Manila ay nagpositibo sa COVID-19.
Gayunman, agad maglalabas ng report ang task force kung matatapos ang validation ng mga ito.