-- Advertisements --

Hindi akalain ni Ritz Azul na makakapasok ang dalawang pinagbibidahan nitong pelikula sa Metro Manila Film Festival (MMFF) ngayong taon.

Ito’y sa ginanap na virtual conference kung saan inanunsyo ang final selection ng tinaguriang “magic 10” entries ng 2020 MMFF.

Ayon sa 26-year-old actress, isang pambihirang pagkakataon lalo’t kahit isa lang ang mapabilang ay masaya na siya.

Tampok si Azul sa horror thriller na “The Missing” kung saan siya ay gaganap bilang architect na mayroong depresyon sa gitna ng trabaho sa isang haunted house sa Japan.

Hango ito sa mga pelikulang “The Ring” at “The Grudge.”

Sa comedy theme naman na “Mang Kepweng: Ang Lihim ng Bandanang Itim,” may papel siya rito bilang reyna ng fantasy world.

“Gulat na gulat ako sa nangyari today pero grateful po ako na ‘yung dalawang movies na ginawa ko last year ay pumasok sa MMFF this year. It’s a rare opportunity po,” saad nito sa ABS-CBN.

“Makapasok pa lang ang isa, masayang masaya na. And siyempre masaya rin tayong lahat dahil tuloy na tuloy pa rin ang MMFF. Kahit nasa gitna tayo ng pandemic, nandito tayo para magbigay ng entertainment sa panahon na ‘to.”

Samantala, nasa listahan din ng “magic 10” film fest entries yaong may “touch of drama” na:

“Fan Girl”
“The Boy Foretold By The Stars”
“Coming Home”
“Tagpuan”
“Isa Pang Bahaghari” at
“Suarez: The Healing Priest”

Nariyan din ang fantasy adventure film na “Magikland,” at comedy na “Pakboys: Takusa.”

Taliwas naman sa nakagawian, walang anomang entry si Vice Ganda na madalas ay tumatabo sa takilya.

Una nang naiulat na via online lamang mapapanood ang MMFF entries bunsod ng coronavirus pandemic, ngunit ito ay itinakda sa mismong araw pa rin ng Pasko sa December 25.

Virtual o sa pamamagitan lamang din ng online mapapanood ang Parade of Stars at Gabi ng Parangal.

Noong nakaraang taon, big winner ang pelikulang “Mindanao” matapos humakot ng 11 parangal.

Kabilang dito ang major awards na Best Director para kay Brillante Mendoza, Best Actress sa pamamagitan ni Judy Ann Santos, Best Actor si Allen Dizon, at pati Best Picture.