Tinatayang isang milyong tao ang inaasahang dadagsa sa Manila North Cemetery para sa muling pagbubukas ng mga sementeryo ngayong Undas mula noong pandemic.
Sinabi ni Manila North cemetery director Roselle Castañeda na inaasahan ng pamunuan ang kaparehong bilang ng mga pumunta sa sementeryo pre-pandemic o noong Nobyembre 1, 2019.
Isinara ang sementeryo para sa Undas mula noong 2020 sa kasagsagan ng pandemya.
Hindi naman bababa sa 328 pulis ang ipapakalat sa pinakamalaking sementeryo sa bansa.
Pinaalalahanan naman ni Castañeda ang mga pumunta sa sementeryo na hindi na sila papayagang magpinta sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay simula ngayong araw.
Ang mga pumunta sa sementeryo na gustong maglinis ng mga lapida ay maaari pa ring magdala ng mga garbage bag, walis at dust pan.
Nagsagawa ng demonstrasyon kahapon sa sementeryo ang mga miyembro ng EcoWaste Coalition para himukin ang mga bisita na panatilihing trash-free ang Undas.