-- Advertisements --

NAGA CITY- Patay ang isang high ranking NPA leader sa nangyaring engkwentro sa pagitan ng tropa ng militar at mga NPA sa Sitio Saging, Brgy. Binibitinan, Polilio, Quezon.

Kinilala ang binawian ng buhay na si alyas Facio, 3rd deputy secretary ng sub-regional Military Area 4-A at Political Instructor ng Platoon Dos ng Komite Larangang Gerilya.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camp Capinpin sa Tanay Rizal, nabatid na Pebrero 21, 2022 nang makatanggap ng impormasyon ang 202 Infantry Brigade mula sa mga residente ng lugar hinggil sa umano’y presensiya ng mga rebeldeng grupo sa lugar.

Kaagad namang beniripika ng mga awtoridad ang nasabing impormasyon at dito na nagsiklab ang engkwentro sa pagitan ng 1st Infantry Battalion ng 2nd Infantry Division, Philippine Army at ng mga NPA na nagresulta sa pagkamatay ng nasabing NPA official.

Nabatid na tumagal naman ng halos 10-minuto ang palitan ng putok sa pagitan ng dalawang lado.

Narekober naman sa pinangyarihan ng insidente ang ilang war materials kagaya ng M653 rifle, isang short magazine, dalawang anti-personnel mine, bandolier ng mga bala, mga dokumento, at iba pang mga personal na kagamitan ng mga NPA members.