-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Binawian ng buhay ang isang terorista sa engkwentro ng mga sundalo sa lalawigan ng Maguindanao.

Nakilala ang rebelde na si Ramos Amilil alyas Ramos, tauhan ni Kumander Muslimin Amilil ng 2nd Division Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF-Karialan faction).

Ayon kay 601st Brigade commander Colonel Oriel Pangcog na nakasagupa ng tropa ng 33rd Infantry Battalion Philippine Army ang grupo ni Amilil sa Barangay Duguengen, Shariff Saydona, Mustapha, Maguindanao.

Tumagal ng mahigit 10 minuto ang palitan ng bala sa magkabilang panig gamit ang mga matataas na uri ng armas.

Umatras ang mga rebelde papasok Liguasan Delta nang pasabugan sila ng mga sundalo gamit ang 81 mm mortar.

Narekober ang bangkay ni Amilil at nakuha sa kanyang posisyon ang isang M14, isang M16 armalite rifle, mga bala, pampasabog at mga magasin.

Pinuri naman ni 6th Infantry (Kampilan) Division chief at Joint Task Force Central commander Major General Roberto Capulong ang tropa ng 33rd IB.

Sa ngayon ay patuloy na tinutugis ng Joint Task Force Central ang grupo ni Muslimin Amilil sa bayan ng Shariff Saydona Mustapha.