Isang lalaki ang inaresto ng National Investigation Agency (NIA) dahil sa kamakailang car bomb attack sa Delhi, India noong nakaraang linggo na ikinamatay ng walong katao at ikinasugat ng 20 iba pa.
Ayon sa NIA, ang sasakyan na ginamit sa pag-atake, na tinukoy ng pamahalan bilang “terrorist incident”, ay nakarehistro sa pangalan ng suspek, at pinaniniwalaang nakipagsabwatan sa umano’y suicide bomber.
Nabatid rin na ang suspek ay naninirahan sa Indian-administered Kashmir.
Maalalang sumabog ang naturang kotse malapit sa metro station sa Red Fort, isa sa mga kilalang landmark sa Delhi.
Nakuha rin ng NIA ang isa pang sasakyan na pag-aari umano ng bomber, at 73 saksi rin ang na-interrogate, kabilang ang mga sugatan sa insidente.
Ito ang kauna-unahang ganitong insidente sa lungsod mula pa noong 2011. Kung saan nangyari ang pagsabog bandang alas-6:52 ng gabi (local time) nang huminto ng mabagal ang sasakyan sa traffic signal saka ito sumabog.
Ipinakita rin sa mga footage na kuha ng mga awtoridad ang natirang charred white car at iba pang nasirang sasakyan, kabilang ang autorickshaw at cycle rickshaw.
Tumugon naman si Indian Prime Minister Narendra Modi kung saan sinabi na ang insidente ay isang “conspiracy” at nangako na pananagutin ang suspek at mga kasabwat nito.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa posibleng kaugnay ng insidente sa nakaraang pag-aresto sa pitong lalaki sa Indian-administered Kashmir at sa pagkaka-seize ng 2,900kg ng explosives sa isang suburb ng Delhi.










