-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Nagluluksa ngayon ang pamilya ng namatay na batang lalaki na 1 year 5 months Brgy. Alicaocao, Cauayan City matapos makuryente.

Ayon sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, iniwanan umano ng ama ang kanyang anak sa kuwarto upang kunin ang mga sinampay sa labas.

Agad din umanong bumalik sa loob ng kuwarto ngunit nakita nito ang anak na nakahiga sa sahig at nangingitim ang dulo ng mga daliri.

Sa tabi ng bata ay nakita ang isang extension wire na hinihinalang hinila nito na naging sanhi para makuryente.

Agad dinala sa pagamutan ang baby ngunit idineklarang dead on arrival.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Barangay Kagawad Rhowel Balmores ng Brgy. Alicaocao na ito ang unang beses na may nangyaring ganito sa kanilang barangay.

Muli namang nagpaalala ang opisyal ng barangay sa mga magulang na huwag pabayaan ang kanilang maliliit pang mga anak at palaging isaalang alang ang kanilang kaligtasan.

Samantala, nagbigay na rin ng tulong pinansiyal ang pamahalaang barangay ng Alicaocao sa pamilya ng bata.

Nakaburol na ang labi ng bata sa kanilang bahay sa Purok 3, Alicaocao, Cauayan City.