-- Advertisements --
PH R Naught DOH UP
IMAGE | Screengrab from UP Octa Research Team presentation/June 11

Lumalabas sa pag-aaral ng research team mula sa University of the Philippines (UP) na marami nang siyudad at lugar sa bansa ang matagumpay nang nalabanan ang pagkalat ng sakit ng COVID-19.

Pero ayon din sa mga eksperto, may kaakibat na responsibilidad ang publiko para mapanatili ang mababang rate ng pagkalat ng sakit.

Sa online media briefing ng Department of Health (DOH) kanina, nagsalita ang ilang eksperto mula sa UP OCTA Research Team na nagpaliwanag sa “R-Naught” o sukatang ginagamit ng mga mananaliksik para matukoy ang pagkalat ng mga sakit, tulad ng COVID-19.

Batay sa datos ng research team, nasa 1.2-percent ang R-Naught ng Pilipinas ngayong Hunyo, mula sa higit 3-percent noong Abril.

Dito naman sa NCR, mababa pa sa 1-percent o 0.96-percent ang kasalukuyang R-Naught ng rehiyon.

Sa kabila nito, pinayuhan ng mga eksperto ang DOH na tutukan ang lalawigan ng Cebu dahil tumaas muli sa higit 2-percent ang R-Naught ng probinsya.

Cebu R Naught DOH UP
IMAGE \ Screengrab from UP OCTA Research Team presentation/June 11

Isa sa itinuturing na factors ng pagtaas ng reproductive number ng COVID-19 sa isang lugar ay ang mas marami nang bilang ng mga tao na nakakalabas dahil sa pinaluwag na quarantine measures.

“Pag mataas sa 1 (percent) ang R (reproductive number) natin, that means our management of the pandemic needs to be improved. Kasi nga mas maraming mahahawa at may posibilidad na magka-outbreak,” ani UP System Asst. Vice President Ranjit Rye.

“If less than 1 (percent), that means our management of the pandemic is good. Dahil mas kaunti ang nahahawa and we’re seeing (that) if we can sustain it below 1 (percent), bababa ang infection sa bansa at eventually magda-die out siya.”

“Yung R ay napaka-useful na tool to inform people about yung state ng pandemya sa bansa.”

Kasali rin daw sa factor ng pagtaas ng R-Naught ang asymptomatic transmission, o pagkahawa ng sakit mula sa mga COVID-19 cases na hindi alam na sila’y positibo dahil walang nararamdamang sintomas.