Inusisa ni Senator-judge Bam Aquino kung bakit itinuturing na walang ‘economic justification’ ang transaksyon na nagpasok ng daan-daang milyong piso sa account ng Cale88 Foods Corp.
Maalalang dating tinukoy ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na walang ‘underlying legal or trade obligation, purpose, or economic justification’ ang mga transaction na may kaugnayan sa naturang korporasyon, sa gitna ng ₱319.33 million na inward remittances mula sa China at Hong Kong.
Paliwanag ni Security Bank Branch Banking Group Head Leslie Cham, nagiging ‘suspicious’ o walang ‘economic justification’ ang isang bank o financial transaction kung wala itong kalakip na proof o source of income o kung saan nagmula ang naturang pondo.
Sa ganitong sistema, itinuturing na aniya ng mga banko na kahina-hinala ang mga bank transaction na hindi nakakapagpakita ng ganitong dokumento.
Bagaman hindi nito direktang tinukoy ang ₱319.33-M transaction sa Cale88, ang ganitong sistema ay sinusunod sa lahat ng mga banko sa buong bansa (bank requirement), tulad ng mga bankong may kaugnayan sa Cale88.
















