-- Advertisements --

Inakusahan ni dating Ako Bicol Party list Representative Zaldy Co si dating House Speaker Romualdez na nagbanta ng katagang “he will shoot him” sakaling magsalita siya at bumalik sa Pilipinas.

Sa ikatlong parte ng video statement na inilabas ni Co ngayong Linggo, Nobiyembre 16, sinabi niyang nagsimula ang pagbabanta sa kaniya noong Marso 2025 sa isang pulong.

Tinawagan aniya siya ni Romualdez na huwag umuwi ng bansa at aalagaan nila siya. Muling tumawag umano si Romualdez sa sinabihan siya na kapag umuwi siya ay magiging delikado.

Aniya, maaaring mag-hire umano sila ng isang tao para dukutin o mag-hire ng police para patayin siya habang nasa kulungan.

Nauna ng sinabi ni Co na nakaplano na siyang umuwi ng Pilipinas pagkatapos ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. subalit habang papauwi na siya ng bansa tinawagan siya ni Romualdez at sinabihang huwag bumalik ng bansa at aalagaan siya tulad ng iniutos ng Pangulo, kayat nanahimik siya.

Subalit ang ibig sabihin pala nito ay gagamitin lamang siyang panakip butas para sa kampanya ng administrasyon laban sa korapsiyon.