Nakatakdang mag-courtesy call kay Pangulong Rodrigo Duterte bukas ang mga Pilipinong atletang nakapagbigay ng karangalan sa bansa.

Kabilang sa bibigyang pagkilala ay sina Filipino gymnast Carlos Edriel Yulo na kauna-unahang nakasungkit ng gintong medalya sa 49th FIG Artistic Gymnastics World Championship at Filipino boxer Nesthy Petecio na nakakuha din ng gintong medalya sa 2019 AIBA Women’s Boxing World Championship.

Una nang nagpaabot ng pagbati ang Malacañang sa mga pambato natin na kahit anong medalya ang makuha ay maituturing itong panalo at patunay na magaling talaga ang mga Pilipino.

Kasunod nito suportado ni Presidential Spokesman Salvador Panelo ang naging pahayag ni Sen. Manny Pacquiao na marapat na buhusan ng suporta ang mga tinatawag na weight-classed sports.Samantala, makakatanggap naman ng tig-P1 million sina Yulo at Petecio mula sa Philippine Sports Commission (PSC).