DAGUPAN CITY — Hinihiling ng mga pamilya ng mga nawawalang kababaihan na tagapagtanggol ng karapatan ng mga magsasaka sa Korte Suprema na palayain na sila ng gobyerno sa bisa ng Writ of Amparo.
Ito ang binigyang-diin ni Azase Galang, anak ng isa sa mga biktima ng Extrajudicial Arrest and Detension na si Maria Elena “Cha” Pampoza at ang kasamahan nitong si Elgene “Leleng” Mungcal na mga miyembro ng Anakpawis at Gabriela, sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan.
Saad ni Galang na matagal nang kumikilos ang kanyang ina at ang kasamahan nito na si Mungcal bilang consultant at organisador ng mga magsasaka sa Gitnang Luzon, at gayon na rin sa Pangasinan. Sa salaysay nito, matagal nang may mga pagbabanta sa buhay ng kanyang ina dahil mayroon silang mga natatanggap na surveillance videos kung saan personal itong tinitiktikan at pinapadalhan ng mga death threats.
Habang si Mungcal naman ay isang political prisoner na pansamantalang nakalaya for bail noong June 3, 2022. Dagdag ni Galang na huling nakitang magkasama ang kanyang ina at si Mungcal na galing sa isang konsultasyon ng mga magsasaka sa Moncada sa kuha ng isang CCTV footage sa Win-Fair sa Moncada, Tarlac noong July 3, 2022.
Matapos nito aniya ay wala na silang anumang nabalitaan pa tungkol sa kanyang ina at kay Mungcal. Bagamat hindi na umano bago na natitiktikan sila ng mga intelligence agencies, naniniwala naman si Galang na dapat ay mayeroong panagutin sa pagkawala ng dalawang biktima.
Sa ngayon ay wala pang resulta ang isinumite nilang kahilingan sa Korte Suprema, subalit patuloy naman ang kanilang panawagan sa mga kianuukulan na sana ay mapagbigyan ang inihain nilang petisyon para sa Writ of Amparo at sana ay matulungan din ang kanilang pamilya sa pagpapalaya sa dalawang biktima.