-- Advertisements --

Hindi na uusad sa Cincinnati Open si World No. 1 Aryna Sabalenka matapos itong paldapain ng 24-anyos na tennis player na si Sara Bejlek sa Round of 16.

Isang makasaysayang panalo ang ginawa ng World No. 35 matapos ang dominanteng performance sa naturang torneyo na isang Women Tennis Association (WTA) 1000 tour, daan upang tuluyan siyang umusad sa quarterfinals.

Sa pagsisimula ng laban, hawak ni Sabalenka ang 5-1 lead, ngunit tuluyang bumawi ang 24-anyos na challenger at kinalaunan ay tinapos nito ang 1st set sa score na 7-6.

Muli ring tinangka ng World No. 1 na bumawi sa 2nd set at umabot pa sa 4-1 ang kaniyang lead.

Gayunpaman, muling humabol ang mas batang tennis player at tinapos ang ikalawang set sa score na 6-4 – daan upang tuluyan siyang umabanse sa quarterfinals.

Ito ang unang career victory ni Bejlek sa isang top-10 player, at inaasahang magiging malaking bentahe upang tuluyan siyang umangat sa WTA ranking.

Haharapin ng Czech star ang American champion na si Madison Keys para sa posibleng spot sa semifinals.