Ala-singko pa lang ng umaga ay pinayagan na ng mga otoridad na bisitahin ng mga residente ang kani-kanilang mga bahay sa bayan ng Agoncillo, Batangas.
Ito ay para magpakain ng kanilang mga alaga at linisin ang kani-kanilang mga bahay na nabalot ng makapal na alikabok dahil sa pag-aalburuto ng bulkang Taal.
Pinapayagan lamang pumasok ang mga residente na may permit mula sa munisipyo ng Agoncillo na ipinamimigay ng mga otoridad.
Nagpatupad naman ng window hour ang lokal na pamahalaan ng Agoncillo na magsisimula tuwing 6am-10am.
Pero ayon kay Jun France Devilla, mula MDRRMO ng Agoncillo, posibleng magbago raw ang kanilang operasyon ngayong araw at yan ay nakasalalay sa abiso na makukuha nila mula PDRRMO at magiging aktibidad ng naturang bulkan.
Ayon naman kay Batangas PDRRMO Lito Castro, humanitarian reason umano ang naging basehan nila kung bakit pinayagan ang mga residente na bumalik saglit sa kanilang mga bahay.
Sa kabila nito aniya ay kauna-unahang prayoridad pa rin nila ang kaligtasan at buhay ng mamamayan ng Batangas.
Nagpapatuloy naman ang lockdown sa Bayan ng San Nicolas ngunit may mga residente pa rin na nakakapasok kahit may mga pulis na mahigpit na nagbabantay sa bayan.
Ayon sa mga residente, may isang kalsada papasok ng bayan na walang pulis kaya doon sila dumadaan.
Lumalaki, lumalawak at lumalalim na rin umano yung distansya ng mga fissures or biyak na nakikita sa ilang apektadong lugar.
Wala namang window hours na ipatutupad sa 21 barangay sa Tanauan, Batangas na kasalukuyan ding naka-lockdown.
Samantala, patuloy pa rin ang pagbuhos ng mga relief goods mula sa iba’t ibang Local Government Units (LGUs) na naghahatid tulong sa mga evacuees na nasa Cavite at Tagaytay.
Isa na rito ang pamilya Revilla na nananatiling tumutulong sa relief operations.
Nagtungo si Sen. Bong Revilla sa mga evacuation centers sa Amadeo at Alfonso Cavite gayundin sa Sta. Teresita at San Luis na kapwa nasa Batangas.
Bukas naman ay nakatakdang magtungo si Vice Governor Jolo Revilla sa mga evacuation centers sa Silang at Tagaytay.