Bukal umano sa kalooban at hindi lang “pagbubuhat ng sariling bangko” ang pahayag ni Willie Revillame na ilaan ang bahagi ng kanyang ipon para sa mga jeepney driver na nawalan ng trabaho bunsod ng coronavirus pandemic sa bansa.
Sa Palace briefing kanina sa mismong pag-aari nitong tower sa Quezon City, inihayag ng 59-year-old TV host na magbibigay siya ng P5 milyon sa mga apektadong jeepney driver.
Nakakadurog aniya ng puso nang malaman na namamalimos na ang karamihang mga tsuper ng jeepney sa mga lansangan para mairaos ang araw-araw na hindi sila nakakapasada.
“I am willing to give, sa aking naipon, ang balak ko po ay magbigay ngayon ng limang milyon sa mga jeepney drivers na talagang namamalimos na,” ani Revillame.
Ipinangako rin nito na magbibigay ng pangalawang batch ng P5 million sa susunod na buwan pero paplantsahin din sa kung paano maisasaktuparan ng maayos.
“Hindi po ito sa pagbubuhat ng bangko, I think sa industriya ako lang ang may show na live, P5 million ngayon and I think next month P5 million ulit sa mga taong totoong nangangailangan. Kung kaya ko ng monthly ito, sasabihin ko kay secretary,” dagdag nito.
Samantala, P100,000 naman ang laan ni Revillame sa bawat pamilya ng mga nasawing Pinoy sa madugong pagsabog sa Lebanon.