-- Advertisements --
20201214 175831

Makukulong ng anim na buwan at pagmumultahin din ng P120,000 ang isang wildlife smuggler matapos ang tangka nitong pagpupuslit ng 757 pirasong tarantulas.

Nasampahan ito ng kaso noong nakaraang taon dahil sa paglabag sa wildlife protection and customs laws.

Sinabi ng Bureau of Customs (BoC)-Port of NAIA (Ninoy Aquino International Airport) na hinatulang guilty ni Judge Allan B. Ariola ng Pasay City Metropolitan Trial Court Branch 48 si Jesse Camaro dahil sa iligal nitong pag-transport ng mga tarantula na nagkakahalaga ng P310,900 at customs duties and taxes na nagkakahalaga ng P54,752

Nilabag raw nito ang Section 27 ng Republic Act (RA) 9147, o mas kilalang Wildlife Resources Conservation and Protection Act of 2001 at paglabag sa Section 1401 ng RA 10863 o Customs Modernization and Tariff Act.

Ang convicted wildlife smuggler ay naaresyo noong April 1, 2019 ng BoC-NAIA frontliners at sa pakikipag-ugnayan ng mga ito sa operatiba ng Department of Environment and Natural Resources (DENR)-National Capital Region (NCR).

Ang mga tarantula ay isinilid ng suspek sa mga kahon ng cookies at oatmeal mula Poland sa Central Mail Exchange Center sa Pasay City na walang kaukulang import permit mula sa DENR.

Ang mga tarantula ay agad namang itinurn-over sa DENR Wildlife Traffic Monitoring Unit.

Pinapurihan naman ni District Collector Carmelita M. Talusan ng Port of NAIA ang effort ng BoC-NAIA frontliners at DENR-NCR maging Office of the City Prosecutor ng Pasay City dahil sa matagumpay na conviction ng wildlife smuggler.

Sinabi ni Talusan na ang conviction ay bunga ng pagpupursige ng BoC na habulin at panagutin ang mga smugglers ng illegal goods at mga kontrabando.