MANILA – Iginiit ng Department of Health (DOH) na kailangan pa rin mag-ingat ng mga publiko mayroon man o walang hawaan ng mga COVID-19 “variants of concern” sa komunidad.
Pahayag ito ng ahensya matapos sabihin ng isang opisyal ng World Health Organization (WHO) na mayroon ng “community transmission” ng mga binabantayang variants sa bansa.
“Kailangan natin ipaalala na kahit ano pang variant ang mayroon tayo, pareho pa rin ang kailangan natin gawin. Hindi natin kailangan matakot, kailangan ay lalabanin natin by complying to health protocols, at kapag eligible ka na, get vaccinated,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Sa isang panayam, sinabi ni Dr. Rabindra Abeyasinghe, representative ng WHO sa Pilipinas, na may community transmission na ng “United Kingdom” at “South Africa” variant sa Cordillera at National Capital Region Plus.
Ayon sa WHO, tinatawag na “community transmission” ang hawaan kung hindi na magkaka-ugnay ang tinatamaan ng sakit.
“In some locations of the Philippines, we will have to accept that there is community level transmission of these variants, the B.1.1.7 and B.1.351,” ani Abeyasighe sa panayam ng GMA News.
Ayon kay Vergeire, wala pang natatanggap na opisyal na anunsyo ang DOH mula sa WHO.
Gayunpaman, hindi isinasara ng opisyal ang posibilidad dahil sa pagsirit ng COVID-19 cases simula noong nakaraang buwan.
Batay sa mga pag-aaral, may katangian ang B.1.1.7 at B.1.351 variant ng virus na mas mabilis makahawa sa iba.
“Whatever variants that we have right now, whether we have community transmission or not, we still do the same response. We protect ourselves through health protocols and get vaccinated.”