-- Advertisements --

rosario

Hindi pa matukoy ng militar sa Western Mindanao kung ang teroristang Abu Sayyaf ang nasa likod ng kambal na pagsabog sa Isabela City, Basilan kung saan dalawa ang naiulat na nasugatan.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Western Mindanao Command (WESMINCOM) Commander Lt.Gen. Alfredo Rosario kaniyang sinabi na ongoing pa ang post-blast investigation kaya hindi pa nila matukoy kung sino at ano ang motibo sa nangyaring kambal na pagsabog.

Sinabi ng Heneral na hindi malayo na ang teroristang Abu Sayyaf ang nasa likod ng insidente subalit kanila din tinitignan na posibleng may ibang grupo o sindikato ang nais na maghasik ng karahasan sa siyudad.

Aniya, nagsanib pwersa na ngayon ang militar at pulisya sa Isabela City para imbestigahan ang nangyaring pagsabog.

Nilinaw din ni Lt.Gen. Rosario na walang kaugnayan ang pagsabog sa Isabela City at ang pagsabog sa Koronadal City.

Aniya ang Koronadal bombing ay malinaw na divertionary tactics ng teroristang BIFF Toraife group at iba ang nakikita nilang kaso sa Isabela City.

Gayunpaman, panawagan ni Rosario sa mga kababayan na natin na nasa Western Mindanao na maging kalmado, alerto at mapagmatyag sa kapaligiran.

Giit ng heneral, hindi dapat matakot ang komunidad sa nangyaring pagsabog, ipagpatuloy lamang ang kanilang mga daily routine dahil kontrolado pa rin ng mga otoridad ang sitwasyon.

Siniguro ng Heneral na ginagawa ng AFP kasama ang PNP at iba pang security agencies ang lahat para mapanatili ang peace and order.

Hiling din ng militar sa publiko na agad ipagbigay alam sa mga otoridad kung may mga impormasyon ang mga ito hinggil sa presensiya ng mga kahina-hinalang bagay o indibidwal sa kanilang mga areas of responsibility.