Pinayagan ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade ang rekomendasyon ng Metro Rail Transit (MRT) line 3 na pansamantala munang iurong ang scheduled weekend shutdown nito simula ika-31 ng Oktubre hanggang ikalawa ng Nobyembre.
Ito ay upang maprotektahan ang mga manggagawa ng MRT-3 na magiging bahagi ng mga gagawing aktibidad sa mga nasabing petsa dahil sa bagyong Rolly.
Nakatakdang isaayos ang 34.5-kilovolt alternating current (kV AC) switch gear sa depot at mga turnout sa Taft Avenue station ng MRT.
Ang pagsasara ay itinakda upang magbigay daan sa mga karagdagang gawain gaya ng pagpalit ng mga riles.
Magbibigay naman ng anunsyo ang pamunuan ng MRT-3 kung kailan matutuloy ang weekend shutdown.
Sa kabilang banda, magpapatuloy ang operasyon ng mga tren sa mainline sa Sabado hanggang Lunes.