Ngayon pa lamang paborito na naman ng mga sumusubaybay sa NBA na muli na namang babandera sa kampeonato sa susunod na taon ang Golden State Warriors.
Ito ay matapos na masungkit nga kanina ang korona sa NBA Finals nang tapusin ang serye nila sa Boston Celtics sa record na four wins, against two.
Sinasabi ng ilang mga analyst na liban sa Warriors ang iba pang mga team na malalakas din para sa 2023 NBA title ay ang Brooklyn Nets at Boston Celtics.
Nandiyan din daw ang Milwaukee Bucks, Phoenix Suns at Los Angeles Clippers.
Sa kabila nito, asahan naman ang malalaking movement ng mga team at pagpapalakas ngayong summer break lalo na sa mangyayaring trade sa ibang mga big time players
Una rito, inamin naman ni Warriors superstar Stephen Curry na kakaiba ang kanilang ikaapat ngayon na pagkampeon kumpara sa nakalipas na tatlong beses na korona.
Inamin ni Curry na napaka-emosyunal nitong mga nakalipas na dalawang buwan at nitong nakaraang dalawang araw.
Napakabigat daw ng kanilang dinadala at pagsubok lalo na at naipanalo nilang ang serye doon pa sa homecourt ng kalaban.
Sa ngayon babalik muli ang Warriors sa kanilang sariling mga fans sa San Francisco, California at inaasahang ang kabi-kabilang street parties na magaganap bilang bahagi ng selebrasyon.