-- Advertisements --

Wala pang inilalabas na warrant of arrest ang Sandiganbayan Fifth Division laban kay Senador Jinggoy Estrada kaugnay ng kasong plunder na may kinalaman sa umano’y maanumalyang flood control projects.

Ayon kay Sandiganbayan Presiding Justice Geraldine Econg, may nakabinbin pang mosyon na inihain ang kampo ni Estrada kaya hindi pa nakakapaglabas ng warrant ang korte.

Tinukoy rin ng mahistrado ang urgent motion to withdraw the issuance of warrant of arrest na inihain ng mga abogado ni Estrada nitong Biyernes ng tanghali sa Sandiganbayan Second at Fifth Divisions.

Sinabi rin ni Econg na kung makaaapekto ang nasabing mosyon sa aksyon ng korte, maaaring hindi muna magpalabas ng warrant ang Fift Division hangga’t hindi ito nareresolba.

Ang kasong plunder ay itinuturing na non-bailable offense. Ibig sabihin, kapag nakapaglabas na ng warrant of arrest, maaaring makulong agad ang akusado maliban na lamang kung mapagbibigyan ang petisyon para sa piyansa habang dinidinig ang kaso.

Samantala, mas maagang naglabas ng warrant of arrest ang Sandiganbayan Second Division laban kina Estrada at dating Public Works Secretary Manuel Bonoan kaugnay naman ng flood control graft case.

Agad namang nakapagpiyansa sina Estrada at Bonoan ng tig-P90,000 upang pansamantalang makalaya.

Ipinaliwanag pa ng Presiding Justice na nakapagpalabas ng warrant at Hold Departure Order ang kanilang dibisyon dahil nagsimula na ang deliberasyon sa kaso bago pa man ihain ni Estrada ang kanyang urgent motion.

Dagdag pa niya, agad nilang tinalakay kung mayroong probable cause sa kaso matapos ang kanilang deliberasyon.