Nagdeklara ng War on Child Pornography at Child Online Exploitation ang pamahalaan ngayong araw.
Ito ay sa gitna ng patuloy na paglala ng sexual exploitation sa mga kabataan ngayon sa Pilipinas.
Sa isang joint press briefing na isinagawa ngayon ng iba’t-ibang sangay ng pamahalaan ay ipinahayag nila ang kanilang kahandaang magtulungan upang sugpuin at mapigilan ang tuluy-tuloy na paglaganap ng krimen na ito sa ating bansa.
Sa katunayan ay sinabi rin ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na sa ngayon ay bumuo na aniya sila ng Inter-Agency Task Force para dito.
Aniya, batay sa mga datos na kanilang nakalap mula sa iba’t-ibang international agencies, lumalabas na ang Pilipinas ang may pinakamaraming kaso ng child pornography at online sexual exploitation kung saan ang mga predators anila ay mga dayuhan partikular na ang mga European.
Idinagdag din ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo na matagal na itong problema hindi lamang sa ating bansa kundi maging sa buong mundo na rin.
Hindi lamang aniya ito natutugunan ng ating pamahalaan dahil naging abala ang mga nakalipas na administrasyon sa ibang mga suliraning kinakaharap din ng bansa tulad ng COVID-19 pandemic, war on drugs, terorismo, graft and corruption at marami pang iba.
Habang ipinaliwanag nam ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos, bukod sa madaling gawin ang krimen na ito isa ang kawalan ng mga trabaho at pagdami ng mga mahihirap noong panahon ng pandemya sa mga pangunahing dahilan kung bakit talagang lumaganap ito kung saan mismong mga magulang pa ng mga biktimang kabataan ang gumagamit sa kanila para sila ay pagkakitaan.
Samantala, nagbabala naman ang mga kinauukulan na wala silang palalagpasin na sinumang sangkot sa karumaldumal na krimen na ito at tiniyak na papanagutin nila ang lahat ng mapapatunayang kabilang sa gumagawa ng masamang gawain na ito.










