-- Advertisements --

Walang inaasahang pagtaas sa presyo ng mga gamot hanggang sa buwan ng Hunyo sa gitna ng epekto ng digmaan sa Middle East.

Ayon Private Hospitals Association of the Philippines (PHAPi) president Jose Rene de Grano, wala pang naguulat sa kanilang mga miyembrong ospital kaugnay sa anumang kakapusan o pagtaas sa presyo ng gamit sa kabila ng tumataas na presyo ng langis.

Paliwanag ni de Grano, karaniwang inaabot pa ng dalawa o tatlong buwan para ipaalam ng supplier sa mga ospital na nagtaas ang presyo ng mga gamot.

Hindi aniya tulad ng oil companies na nagtataas kahit na mga dati pa rin ang stocks.

Ipinaliwanag ni de Grano na dahil maraming pagpipilian ang mga ospital at naghahanap sila ng pinakamurang proposals para sa mas malaking kita, napipilitan ang mga kumpanya ng gamot na panatilihin ang kanilang mga presyo o ibaba ito upang hindi mawalan ng mga kliyente.

Gayunpaman, hindi aniya madali para sa private hospitals na magpatupad ng taas presyo, gayundin dahil karamihan sa presyo ng mga gamot ay kontrolado ng pamahalaan.

Karamihan nga ng mga inaangkat na gamot ng bansa ay nagmumula pa sa India at China.