-- Advertisements --

sim card

Taliwas sa sinasabi ng mga kritiko ng batas, walang nakikita ang Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) na paglabag sa right to privacy ng Sim Card Registration Law.

Ayon kay PNP-ACG spokesperson Lt. Michelle Sabino, walang pinagkaiba ito sa pagbibigay ng pangalan para sa serbisyo ng landline na naka-publish pa sa directory.

Dagdag ng opisyal, may mga “existing” na proseso na para pangalagaan ang naturang impormasyon at dokumentado ang kilos ng mga ahensya na nag-iingat nito.

Isa aniya ang ACG sa sumuporta sa pagpasa ng nasabing batas dahil makakatulong ito sa pagkilala ng mga kriminal na gumagamit ng pre-paid sim para sa mga online transactions.

Karamihan aniya sa mga reklamong natatanggap ng ACG ay online estafa at identity theft, kung saan matapos na makunan ng pera ang biktima ay tinatapon nalang ng mga scammer ang pre-paid sim.

Sa mga insidenteng ganito, sinabi ng opisyal na inire-report sa kanila ang ginamit na numero pero pahirapan ang pag-trace kung sino ang gumamit nito.