-- Advertisements --
Gen. Olay PNP spox

Nilinaw ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na walang direktiba si PNP chief Gen. Debold Sinas magsagawa ng profiling o red tagging sa mga organizer ng community pantry.

Ayon kay PNP spokesperson B/Gen. Ronaldo Olay, ang pahayag ni Sinas na hindi saklaw ng PNP ay makialam sa personal na aktibidad ng mga pribadong tao.

Batid umano ng PNP na ang mga community pantry ay “expression” ng bayanihan spirit at wala silang intensyon na harangin ito.

Ang interes lang umano nila ay ipatupad ang kaayusan partikular na ang pagpapatupad ng health protocol sa mga pampublikong aktibidad na may presensya ng 10 o mahigit pang tao.

Giit pa ni Olay walang red tagging o profiling sa kanilang ginagawa at hindi nila iniuugnay sa mga makakaliwa ang mga organizer.

Suportado raw ng PNP ang mga community pantry.

“Ang presensiya ng kapulisan duon ay within the context of public safety para i-ensure masunod yung minimum health standards, alalahanin ninyo na tayo ay nasa modified enhanced community quarantine (MECQ) pa rin, wala naman kaming namomonitor na mga ganyan ano, pero siyempre ang information validation ay kasama naman sa trabaho ng mga security services,” wika ni B/Gen. Olay.

Matatandaan na kumalat sa social media ang pag-fill out ng form ng mga pulis sa Pandacan community quarantine.

Maliban dito, natakot din ang organizer ng Maginhawa community pantry dahil sa pagkwestyon sa kanya ng mga pulis sa organisasyon na kanyang kinabibilangan.