-- Advertisements --

CEBU CITY – Nilinaw ng Department of Health (DOH-7) na walang travel restriction sa Central Visayas sa lahat ng parte ng bansang China.

Ito’y dahil wala pa umanong abiso mula sa World Health Organization (WHO) kung saan nakadepende rin ito sa kung gaano na kalala ang transmission ng n-coronavirus.

Sa press conference ng DOH-7, sinabi ni Dr. Van Philip Baton, ang medical officer ng Center for Health Development na kailangang naayon din ang gagawing hakbang sa ebidensyang kanilang makukuha.

Ito ay kaugnay na rin ng kanilang cooperation sa International Airport ng Cebu at Bohol Province kung saan napag-alaman na dahil malaki ang bansang China at hindi pa gaano kalawak ang transmission ng nasabing sakit, mahirap magpatupad nga travel restrictions.

Gayunpaman, mahigpit na ipinatupad ang advisory ng ahensya na kailangang magsuot na ng face mask.

At doon naman sa mga nadapuan ng coronavirus symptoms ngunit walang travel history sa Wuhan, China, kailangang manatili na lang sa loob ng bahay.

Sapat na umano ang thermal scanner sa mga entry points ng rehiyon habang hinihitay ang abiso ng international agency

Samantala, hinihintay ngayon ang lab test result ng dalawang chinese nationals sa Bohol nang makitaan ito ng sintomas ng coronavirus.

Kinunan ng sample ang 2-years old at 36-years old Chinese at ipinadala rin ito sa Australia.

Nakauwi na rin sa China ang naturang bata matapos na na-isolate kahapon sa isang pagamutan ng Tagbilaran City habang nanatili naman sa isang pagamutan sa bayan ng Dauis ang isa pang Chinese national.