Inihayag ni Senador Alan Cayetano na ang sunog na tumupok sa Manila Central Post Office ay nagsisilbing “wake-up call” sa pangangailangan na protektahan ang mga makasaysayang gusali at artifact sa bansa.
Nasunog ang gusali noong Linggo ng gabi, Mayo 21, at walong oras bago ito na-kontrol ng Bureau of Fire Protection noong Lunes ng umaga. Tinatayang umabot sa halagang P300 milyon ang pinsalang dulot ng apoy.
Dahil nangyari ang sunog sa gitna ng pagdiriwang ng National Heritage Month, sinabi ni Cayetano kailangang magbigay ng sapat na pangangalaga para maprotektahan ang ating mga national treasures gamit ang modern equipment, surveillance, at strategies.
Kailangan din aniyang pondohan ang mga ahensyang gagawa nito.
Aniya, kabilang sa mga mahahalagang gusali ang San Agustin Church, National Museum, at maging ang Malacañang.
Dagdag niya, karamihan sa mga istrukturang ito ay naglalaman ng mahahalagang painting, sculpture, at iba pang artwork.
Sinabi ni Cayetano na sa pagsasagawa ng imbestigasyon ng Senate Committee on Culture and the Arts, nais din tukuyin ng senador kung ano ang dahilan sa likod ng sunog, at kung maaari bang pigilan ang mga ganitong pangyayari sa pamamagitan nang mas mahusay na paghahanda at pagtugon.
Gusto rin niyang matukoy ng imbestigasyon kung maaaring protektahan ang iba pang national treasures.