Hinamon ng tagapagsalita ni Vice President Leni Robredo ang Malacañang na maging matapang sa pagtanggap ng mga rekomendasyon ng pangalawang pangulo para sa COVID-19 response.
Pahayag ito ng kampo ni VP Leni matapos batikusin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga suhestyon ng bise presidente para mapaigting ang responde ng pamahalaan sa pandemya.
Ayon kay Atty. Barry Gutierrez, hindi naman nagkakaiba ang mga inilatag na rekomendasyon ni Robredo sa mga naging rekomendasyon ng mga doktor at iba pang eksperto.
“Tuwing may malaking problema, ang sagot na lang nila sa ating lahat, “walang solusyon.” Subukan kaya niyong basahin din minsan ang mga rekomendasyon ng mga doktor at ibang eksperto — ilang beses na ring ipinaabot ni VP Leni sa IATF yung marami dito — para hindi naman kayong nagmumukhang inutil lagi.”
OVP spokesperson Barry Gutierrez on admin's claim that there's no solution to COVID without vaccine:
— Christian Yosores (@chrisyosores) September 22, 2020
"Subukan kaya niyong basahin din minsan ang mga rekomendasyon ng mga doktor at ibang eksperto para hindi naman kayong nagmumukhang inutil lagi." | @BomboRadyoNews
Sa kanyang press conference nitong Lunes ng gabi iginiit ng presidente na bakuna ang makakapagpatigil ng pandemic crisis sa Pilipinas.
Nagpatutsada rin ito sa kanyang bise, nang sabihin na mag-spray na lang ng pesticide sa buong bansa para mawala ang virus.
“Nagkakasakit at nawawalan ng trabaho ang libu-libong Pilipino. Hindi naman tama na ang sagot lang sa kanila ng ating gobyerno ay ‘sorry, pero wala kaming magagawa.'”
Bukod kay Duterte, binanatan din ng kanyang tagapagsalita na si Sec. Harry Roque ang pangalawang pangulo, na tila iniwasang kilalanin ang mga rekomendasyon ng bise presidente na hindi pa nagagawa ng administrasyon.
Mula nang pumutok ang COVID-19 pandemic sa bansa, nakalikom ng P61-million halaga ng donasyon ang Office of the Vice President kasama ang partners sa private sector.
Mula sa nasabing pondo, nakapaglaan ang OVP ng tulong sa mga health workers, iba pang frontliners, maliliit na negosyo at mga estudyanteng naapektuhan ng health crisis.