Pinaghihinay-hinay ng mga kongresista si Vice President at Education Sec. Sara Duterte sa mga dinadaluhan nitong rally, lalo na ang mga rally na laban sa administrasyong Marcos.
Ayon kay House Deputy Speaker at Quezon 2nd District Rep. David “Jay-jay” Suarez dapat maging mapili si Duterte sa pagpili ng mga pupuntahan nitong event upang maiwasan ang pagbibigay nito ng nakalilitong senyales.
Matatandaan na natuligsa ang Ikalawang Pangulo matapos itong pumunta sa prayer rally na suporta sa kaibigan nito at self-proclaimed “Appointed Son of God” na si Pastor Apollo Quiboloy.
Pero ang prayer rally ay naging isang anti-BBM rally.
Hindi umano maganda na nakikita si VP Sara sa mga anti-BBM rally dahil bahagi ito ng Gabinete ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Binigyang-diin ni Suarez ang kahalagahan ng pagkakaisa at pagsasama-sama ng mga sumusuporta kay Pangulong Marcos at hindi magbigay ng ibang senyales sa publiko.
Ganito rin ang pananaw ni 1-RIDER Party-List Rep. Rodge Gutierrez.
Umaasa rin si Gutierrez na ang mga opisyal ng gobyerno ay mag-iingat sa kanilang pagpunta sa mga rally dahil sa mensaheng maaaring ibigay nito sa publiko.