Tinuligsa ng Young Guns ng Kamara de Representantes si Vice President Sara Duterte sa pagtatangka umano nitong ilihis ang atensyon mula sa mga kasong kinaharap ng wanted na si Pastor Apollo Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC).
Ayon kay Assistant Majority Leader at Zambales 1st District Rep. Jay Khonghun ang isyu ay ang pagtatago ni Quiboloy na wanted sa kasong child abuse, sexual abuse, at qualified human trafficking.
Naglabas ng pahayag si VP Duterte matapos salakayin ng mga otoridad ang KOJC compound sa Davao City sa paghahanap kay Quiboloy.
Sinabi ng Ikalawang Pangulo na humihingi ito ng tawad sa KOJC dahil hiniling nito na suportahan nila si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong 2022 elections.
Para naman kay Assistant Majority Leader at La Union 1st District Rep. Paolo Ortega V nakalulungkot na inililinis ni VP Duterte ang atensyon ng publiko sa tunay na isyu.
Iginiit nina Khonghun at Ortega na ipinatutupad lamang ng mga pulis ang warrant of arrest na inilabas ng korte at hindi totoo na ito ay isang pang-aabuso sa kapangyarihan.
Malinaw umano na mayroong kinakaharap na kaso si Quiboloy at sa halip na harapin ito siya ay nagtatago.
Binigyang-diin ni Khonghun na ang batas ay ipinatutupad sa lahat.
Hinamon din ni Ortega si VP Duterte na irespeto ang batas at suportahan ang pulis sa pagpapatupad nito.