Ipinagkibit-balikat ni Vice President Sara Duterte ang mga alegasyon laban sa kanya ng isang saksi sa Senado na tumanggap umano siya ng ilang bags na naglalaman ng mga baril mula sa pinuno ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na si Apollo Quiboloy kasabay ng pagtuligsa niya sa mga may ambisyon sa pulitika sa susunod na presidential elections.
Sa video message na inilabas kahapon, araw ng Martes, Pebrero 20, hindi direktang itinanggi ng opisyal ang mga paratang ng isang dating landscaper sa Glory Mountain ni Quiboloy sa Davao City.
Ngunit sinabi ni VP Sara na dating alkalde ng Davao City na hindi na siya magugulat kung dumami pa ang mga kaso at pag-atakeng ibabato laban sa kaniya sa mga darating na araw.
Sa kabila nito, iginiit ng Bise Presidente na kaniya na lamang gugugulin ang kanyang oras sa pagtupad sa kanyang mga tungkulin bilang Ikalawang Pangulo ng bansa.
Ginawa ni VP Sara ang naturang pahayag bilang tugon sa mga paratang ng testigo ng Senado sa ikalawang pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality, na kasalukuyang nag-iimbestiga sa mga isyu ng pang-aabuso at harassment sa loob ng Simbahan ni Quiboloy. (With reports from Bombo Everly Rico)