MANILA – Kung si Vice President Leni Robredo raw ang tatanungin, dapat noon pa ikinonsidera ng pamahalaan ang face-to-face classes ng mga estudyante sa mga lugar na mababa ang transmission ng COVID-19.
Pahayag ito ng pangalawang pangulo matapos aprubahan ng gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pilot study ng pisikal na klase sa mga pampublikong paaralan sa susunod na taon.
“Okay lang naman, Ka Ely, na hindi ako sundin. Pero gaya nito, kung mas bukas lang sila sa suggestions, mas marami na sanang bata iyong natulungan,” ani Robredo sa kanyang weekly radio program.
Magugunitang makailang beses hinirit ni Robredo sa pamahalaan ang face-to-face classes ng low transmission areas, o kaya ang mga lugar na walang kaso ng sakit.
Pero makailang beses din itong tinabla ng mga opisyal ng gobyerno.
“As early as June—hindi pa bukasan ng klase—sinasabi ko na ito. Hindi pa bukasan ng klase, sinasabi ko na ito… pero kapag galing sa akin, Ka Ely, shina-shut down ulit. Iniinsulto pa nga tayo. Pero later on, gagawin din nila, many months after.”
“Ang hindi nare-realize, Ka Ely, kapag hindi bukas sa suggestions, hindi naman ako iyong nabibiktima eh. Iyong nabibiktima iyong mga bata.
Ani VP Leni, imposible talagang mabatid ng mga opisyal ang agarang pangangailangan ng kilos kung sila mismo ay hindi alam ang totoong sitwasyon sa komunidad.
Ilang local officials daw ng Department of Education (DepEd) ang nakausap ng bise presidente, na naghihintay noon ng desisyon kung paano matutulungan ang mga estudyante sa “new normal.”
“Ang dami kong pinuntahan ngayon na walang community transmission. May mga lugar na mula March, hindi man lang nagkaroon ng kaso. May mga lugar na from March until December, mayroong isa, dalawa, pero LSI—hindi naman nagkaroon ng transmission locally.”
“Iyong para sa akin, Ka Ely, kapag hindi mo pinag-aralan nang mas maaga, na puwede naman palang—alam mo iyon—controlled na face-to-face, ang daming hindi mo masisilbihan.”
Pero imbis na agad pakinggan ng gobyerno, abot-abot na insulto pa raw ang natanggap ng Office of the Vice President mula sa ilang kawani ng pamahalaan bago ikonsidera ang kanilang panukala.
“Sinasabi ko nang hindi kaya sa June, kaya baka puwedeng i-move muna para makapaghandang lalo. Ayon, Ka Ely, nainsulto pa ako doon eh, pero ultimately minove din nila.”
Kamakailan nang mag-bangayan ang OVP at DepEd, matapos sabihin ni Education Sec. Leonor Briones na hindi otorisado ng kagawaran ang “face-to-face classes” ng Community Learning Hubs ng tanggapan ni Robredo.
Pero lumalabas sa mga dokumentong nilagdaan ng cabinet official na alam niyang hindi harapang klase ang hatid ng pasilidad, gayundin na suportado niya ito.