
Iginiit ni Department of Education (DepEd) Sec. Leonor Briones na peke ang viral na larawan ng mga guro kung saan makikita ang mga ito na nasa bubong ng paaralan upang sumagap ng internet connection.
Nagtataka raw kasi ang kalihim kung bakit maayos ang pagkaka-upo ng mga guro sa bubong kaya hindi nito naiwasang pagdudahan ang naturang mga larawan.
Ang tinutukoy ni Briones ay ang mga guro mula Sto. Niño National High School sa lalawigan ng Batangas. Ginawa umano ito upang makita ng publiko kung gaano kahirap para sa mga guro ang humanap ng signal upang turuan ang kanilang mga estudyante sa pagbubukas ng school year ngayong taon.
“Then on the day of school itself, there are mga fake photos na lumabas na klarong naka-pose para galing sa chorus line, na sabay-sabay nagre-raise ng mga kamay, nagtitingin sa camera, fully made-up,” giit ni Briones.
Dagdag pa ni Briones, imposible na mahirap sumagap ng cellphone signal sa naturang lugar dahil maraming cell sites na ang itinayo sa paligid ng paaralan.
“And also in that town, ang daming cell sites. Ang daming malalaking cell sites. Kasi sabi walang ano, connectivity. Kung walang connectivity paano napadala ‘yong mga photos na ‘yon?”
Mababatid na kabi-kabilang reklamo ang natanggap ng education sector sa unang araw ng pagpapatupad ng blended learning ngayong taon bunsod pa rin ng coronavirus pandemic.















