Nailigtas ni Vinicius Junior ang Brazil mula sa muntikang pagkatalo matapos ihatid ang koponan sa 1-1 na tabla laban sa Morocco sa kanilang unang laro sa Group C ng FIFA World Cup nitong Sabado ng gabi.
Unang niyanig ng Morocco ang five-time World Cup champions nang maipasok ni Ismael Saibari ang unang goal sa ika-21 minuto.
Subalit makalipas ang 11 minuto, mabilis na nakabawi ang 25-anyos na si Vinicius Jr. sa pamamagitan ng isang napakalakas na sipa sa ika-32 minuto upang itabla ang iskor.
Dominante ang Morocco sa unang 30 minuto ng laro, ngunit nabago ang takbo ng laban sa second half nang magpalit ng mga manlalaro ang manager ng Brazil na si Carlo Ancelotti.
Nanood din sa dikit na laban ang mga sikat na personalidad tulad ng NFL star na si Tom Brady at mga Brazilian football legends na sina Ronaldo at Roberto Carlos.
Dahil sa resulta, kapwa may tig-isang puntos na ang dalawang bansa. Target ng Brazil at Morocco na makabawi sa kanilang mga susunod na laban sa grupo kontra sa Scotland at Haiti.















