-- Advertisements --

Tiniyak ni Senator Joel Villanueva sa mga miyembro ng Jesus is Lord Church na dadalo siya sa anumang special session ng Kongreso sakaling ito ay ipatawag sa panahon ng legislative break.

Sa isang video message na ipinakita sa worship service ng simbahan nitong Linggo, sinabi ni Villanueva na handa siyang gampanan ang kanyang tungkulin bilang mambabatas kung magkakaroon ng special session.

“Sa pagkakataon na magkaroon ng special session, tutuparin po natin ang ating sagradong tungkulin sa ilalim ng ating Saligang Batas. We will be there,” ani Villanueva.

Sa kanya pang talumpati, sinabi ng senador na tila naiipit siya sa mga usap-usapan sa gitna ng dalawang nagbabanggaang paksyon.

“Hindi po madali ang ating mga pinagdaraanan nitong mga nakaraang buwan. Tunay na may mga sandaling kailangan mong pumili kung ano ang tama, kahit hindi ito ang pinakamadali,” saad pa ni Villanueva.

Kabilang si Villanueva sa paksyon ni Senator Alan Peter Cayetano na hindi dumalo sa huling tatlong araw ng sesyon ng Senado bago ang sine die adjournment.

Dahil dito, naantala ang pagpasa ng ilang panukalang batas at ang kumpirmasyon sa promosyon ng ilang opisyal ng militar.

Sa kabila nito, nakabuo ng 12-miyembrong quorum ang Senado na naghalal kay Senator Sherwin Gatchalian bilang Senate president pro tempore at Acting Senate President. Nagbunsod din ito ng mga panawagan para sa isang special session upang mahabol ang mga nakabinbing usapin sa lehislatura.

Maaalalang una nang sinabi ng Malacañang na bukas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa posibilidad ng pagpapatawag ng special session upang maipasa ang mga kinakailangang panukala habang naka-break ang Mataas na Kapulungan.