-- Advertisements --
Nanawagan si Senate Committee on Labor and Employment Chairman Senador Joel Villanueva sa Kamara na isumite na sa Senado ang ipinasa nilang P200 legislated wage hike bill.
Iginiit ng senador, conferees o ang listahan lamang ng mga uupo sa bicameral conference committee ang isinumite sa kanila ng Kamara.
Paano aniya maa-agenda ito gayong wala pa silang kopya ng kanilang ipinasang panukalang batas.
Nais ni Villanueva na magkaroon ng bicameral meeting at maipasa ito bago matapos ang 19th Congress.
Gayunpaman, sinabi ng senador na maaari namang maihabol ngayong araw ng Kamara na ipadala ito sa Senado.
Noong Pebrero 2024, ipinasa ng Senado ang panukalang batas na naglalayong magdagdag ng P100 sa arawang minimum wage para sa lahat ng manggagawa.