-- Advertisements --

ILOILO CITY- Patuloy na ginagamot sa ospital si Iloilo City Vice Mayor Jeffrey Ganzon na nagpositibo sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Rara Ganzon, anak ng bise alkalde, sinabi nito na nananatiling asymptomatic o walang sintomas ang opisyal.

Napag-alaman na dinala sa ospital ang bise alkalde noong Agosto 27 dahil sa lagnat at pagsusuka sanhi ng bacterial infection, maliban pa sa acute pneumonia.

Samantala, nagpositibo rin sa COVID-19 ang bise alkalde, dalawang Sangguniang Bayan members, at isang punong barangay sa Dumangas, Iloilo.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Dumangas Vice Mayor Almar Marfito, sinabi nito na asymptomatic din sila at sumasailalim sa strict home quarantine.