Kinumpirma ni PNP chief PDGen. Oscar Albayalde na hindi kabilang sa narco list si Trece Martirez Vice Mayor Alexander Lubigan na tinambangan patay kahapon.

Ayon kay Albayalde, walang record na sangkot sa illegal drug trade ang vice mayor.

Inatasan na ni Albayalde ang PNP sa region 4-A partikular ang Cavite Police Provincial Office (PPO).

Ayon naman kay PRO4A regional police director CSupt. Edward Caranza, isa sa anggulo na tinitignan ng mga imbestigador na posibleng motibo sa pagpaslang sa bise alkale ay pulitika.

Gumugulong na rin ang imbestigasyon ng binuong Special Investigation Task Group (SITG) kaugnay sa kaso.

Sa kabilang dako, ayon naman kay Cavite Police Provincial Director PSSupt. William Segun na umanong natatatanggap na pagbabanta sa buhay ang vice mayor batay sa impormasyon na nakuha ng pulisya.

Inihayag ni Segun, anggulong pulitika, personal na galit, illegal drugs at iba ang kanilang sinisilip kaugnay sa pagpatay kay Vice Mayor Lubigan.

Si Lubigan ang ikatlong mataas na opisyal na pinatay sa loob ng isang linggo.

Una rito si Tanuan City Mayor Antonio Halili, pangalawa si Mayor Ferdinand Bote at pangatlo si Vice Mayor Alex Lubigan.

May naitala ding pagpatay na isang barangay kagawad sa Zamboanga City.

Mamayang hapon, nakatakdang ihatid sa kaniyang huling hantungan si Mayor Tony Halili.