-- Advertisements --

TANAY, Rizal — Sang-ayon si Vice Pres. Leni Robredo sa ipinasang resolusyon ng Senado na humihiling na tukuyin ang papel ng mataas na kapulungan sa planong pagbasura ng Visiting Forces Agreement ng Pilipinas at Amerika.

Ayon kay Robredo, magandang hakbang ang ginawa ng mga senador para magkaroon ng kalinawan bago tuluyang ibasura ang kasunduan ng dalawang bansa.

“Noong pinasok ito, mahabang usapin iyong pinagdaanan, mahabang pag-aaral iyong pinagdaanan. Hindi ganoong kadali iyong pagdesisyon lang na basta tatalikuran. Nararapat lang na tanungin ng Senado iyong Supreme Court na ano ba talaga iyong papel ng Senado pagdating sa pag-abrogate ng mga agreements, considering na kasali sila sa pag-approve,” ani Robredo.

Sa botong 12-0-8, nagkasundo ang mga senador na maghain ng petisyon sa Kataas-taasang Hukuman.

Inaasahan ang paghahain ng petisyon ni Senate Pres. Vicente Sotto III sa Huwebes, March 5.

“Masaya ako na naipasa iyong resolusyon. Iyong sa akin, once and for all, ma-decide iyong issue at hand, kasi malaki iyong debate tungkol dito—mayroong nagsasabi na hindi na kailangan iyong boses ng Senado sa pag-abrogate; iyong paniniwala ng iba, kailangan pa din. So once and for all, mas mabuting madesisyunan ito,” dagdag ng bise presidente.

Naniniwala si Robredo na mahalaga ang papel ng Senado sa pagtalakay ng planong VFA termination dahil kasali sila nang buohin ang kasunduan.

“Ako, tingin ko kailangan, in the sense na tinanong sila kung papasukin natin ito. Siguro naman, kung tatalikuran natin iyong mga pinasok, kailangan pa din iyong kanilang pakiramdam on the matter. Ako, iyong pinag-aaralan hindi lang iyong pagpasok sa isang agreement, pero dapat paglabas sa isang agreement, kailangang pag-aralan din nang wasto, na hindi whimsical—hindi petty, hindi whimsical—iyong mga dahilan kung bakit tatalikod tayo sa mga agreements na pinasok natin in the first place.”