Nilinaw ng Department of Health (DOH) na local government units na ang nangunguna sa contact tracing efforts ng gobyerno sa COVID-19.
Pahayag ito ng ahensya matapos mag-reklamo ang ilang tao sa social media hinggil sa statement nila na walang contact tracing team ang DOH.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, tumutulong pa rin naman ang kagawaran sa paghahanap ng close contacts ng confirmed cases.
Pero ang Department of Interior and Local Government (DILG) na ang nangunguna sa pangangasiwa ng contact tracing.
“DOH helps, (pero) ang talagang main actors and implementors are LGU teams. Although yung contact tracing teams sa baba syempre mga health officers and barangay health workers, na sasamhan minsa ng LGU officials like PNP, BFP and of course BHERTS nila.”
Ani Vergeire, nagsisilbing surveillance team lang ang contact tracing team na mula sa DOH.
“Ito yung binubuo na ad hoc, especially when there are cases na kailangan namin imbestigahan in a close institution, we will do investigation and that is surveillance, but not really talagang magkaroon kami ng permanent for contact tracing teams.”
Kung maaalala, DOH ang nanguna sa contact tracing noong kakasimula lang ng COVID-19 pandemic sa bansa, kung saan katuwang nila ang regional offices.
Sa ngayon, ang ahensya na lang daw ang gumagawa ng guidelines at standards pero LGUs na ang may mandatong ipatupad ito.
Nitong Lunes nang maglabas ng advisory ang DOH laban sa mga pekeng contact tracers.
Nakikipag-ugnayan na raw ang ahensa sa pulisya at National Bureau of Investigation para mahuli ang mga nasa likod ng bagong modus.









