-- Advertisements --

Muling tatakbo bilang kongresista ng lone district ng Marinduque si House Speaker Lord Allan Velasco.

Kung papalarin, ito na ang ikatlong termino ni Velasco bilang kongresista ng Maridunque.

Inihain ni Velasco ang kanyang certificate of candidacy sa Commission on Elections office sa Boac, Marinduque ngayong araw ng Martes, Oktubre 5.

Ayon sa kongresista, marami pa siyang nais na gawin para sa ikabubuti ng kanyang mga kababayan, at ikakalugod niyang ikatawan ulit sila sa Kongreso.

Si Velasco ay unang naihalal bilang kongresista ng Marinduque noong 2010.

Tumakbo ulit siya sa naturang puwesto noong 2013 pero natalo kay Regina Ongsiako Reyes, na kalaunan ay kinansela ng Comelec ang kanyang COC dahil siya ay naturalized American citizen pala.

Makalipas ang tatlong taon na paglalaban ng naturang kaso sa House of Representatives Electoral Tribunal at Supreme Court, nanumpa si Velasco bilang kongresista noong Pebrero 2016 o tatlong buwan bago ang general election noong taon na ito.

Muli siyang tumakbo sa kaparehong puwesto noong 2016 at 2019, at mapalad siyang nanalo sa mga ito.