BACOLOD CITY – Pinagtataga ng isang lalaking may problema sa pag-iisip ang nagbebenta ng gulay sa Toboso, Negros Occidental kahapon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod sa hepe ng Toboso Municipal Police Station na si Police Major Joery Puerto, naglalako ng gulay ang biktimang si Roberto Peruma, 51, ng Barangay Hinup-ay, Calatrava nang bigla itong hinabol ng suspek na si Argie Pasigna, 24, ng Barangay Bug-ang, Toboso at tinaga ng makailang beses.
Dahil sa maraming sugat sa katawan, kaagad na binawian ng buhay ang vendor.
Tinangka pa sana ng suspek na ichop-chop ang katawan ng biktima ngunit napigilan ng mga residente malapit sa crime scene at kaagad ding rumesponde ang mga pulis.
Ayon sa ina ng suspek, may problema sa pag-iisip ang kanyang anak at nagkataon na hindi ito nakainom ng gamot kahapon.
Sa ngayon, nakakulong sa Toboso Police Station ang suspek at nakatakdang sampahan ng kasong murder.