Pinagtibay na ng House Ways and Means Committee ang substitute bill para sa House Bill 7143 o panukalang VAT Refund program para sa foreign tourist o banyagang turista.
Ang House Bill (HB) 7143 ay inaprubahan ng House Committee on Ways ang Means na pinamumunuan ni 2nd District Albay Rep. Joey Salceda na nagtataas sa VAT refund ng mga banyagang turista.
Ang panukala ay magiging Section 112-A ng NIRC. Ito ay upang magkakasama ang VAT refund provision sa batas.
Sakaling maisabatas, ang non-resident tourist, ay maaaring maka-avail ng VAT refund sa binili nitong produkto o goods mula sa accredited retailers na hindi dapat bababa sa P3,000 ang halaga at mailalabas ng bansa sa loob ng animnapung araw.
Ang halagang ito ay maaaring i-adjust depende sa administrative cost ng refund, consumer index price at iba pang market conditions na tutukuyin ng Finance secretary salig sa rekomendasyon ng Tourism secretary at BIR commissioner.
Batay sa panukala, ang tinutukoy na turista ay mga non-resident foreign passport holder, kabilang ang dual citizens, at hindi kabahagi ng anomang trade o business.
Una nang inanunsyo ng Malacanang na inaprubahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang rekomendasyon ng Private Sector Advisory Council (PSAC) Tourism Sector Group para sa implementasyon naturang programa pagsapit ng 2024.
“I expect between P10 to 40 billion in increased sales from local suppliers. That has the same nature, consequence, and character as exports. And we don’t even have to compete with other exporters. The audience is already captured,” pahayag ni Salceda .
Samantalang target naman ng pamahalaang nasyonal ang 4.8 milyong internasyonal na turista sa taong 2023. Ang Pilipinas ay nakapag-rekord ng 2.6 M turista na dumating sa bansa nitong nakaraang taon.
Ipinunto ng mga mambabatas na ang pagtataas ng halaga ng VAT refund sa mga banyagang turista ay magpapalakas sa lokal na industriya ng turismo at makakahabol na ito sa ekonomiya ng iba pang mga bansa sa ASEAN.
” A VAT refund, as global studies show, increases the propensity to spend. Generally, for every 1 peso refunded, the tourist spends an additional 1.5 pesos. That will create an additional 20-80 thousand jobs, and will also improve our gross international reserves,” pahayag ni Salceda.