-- Advertisements --

Itinutulak ngayon sa Kamara ang pagkakaroon ng immunization o vaccination passports para sa lahat ng mga makakatanggap ng COVID-19 vaccine at iba pang mga bakuna sa iba’t ibang sakit para sa isang mas systematikong proseso.

Sa paghahain niya ng kanyang House Bill No. 8280, sinabi ni Ang Probinsyano party-list Rep. Ronnie Ong na dapat paghandaan ng pamahalaan ang maayos na pagpapatupad ng anti-COVID-19 mass vaccination program upang mas ma-maximize ito.

Kailangan na idokumento aniya ng pamahalaan ang lahat ng inoculation proces s para matiyak na ma-monitor ng mga awtoridad ang efficacy ng bakuna at matukoy ang mga side effects nito kung mayroon man.

Sinabi ni Ong na maaring gamitin ang vaccination passport bilang identification system para payagan ang mga tao sa mga pampublikong lugar at makadalo rin sa mga mass gatherings kahit hindi gumagamit ng face masks at face shields.

Maari rin aniyang obligahin ng mga establisiyemento ang publiko na ipakita ang kanilang vaccination passport hanggang sa ideklara ng Department of Health na tuluyan nang napuksa ang COVID-19.

Sa ilalim ng panukalang batas, inaatasan ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease (IATF-EID), Department of Health (DOH), Department of Tourism (DOT), Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Transportation (DOTr) na magkipag-ugnayan sa isa’t isa at makabuo ng internationally-recognized vaccine passport na magsisilbi bilang katibayan na nabakunahan na ng COVID-19 ang isang indibidwal.

Ang mga pepeke ng naturang dokumento ay papatawan nang karampatang parusa na itinatakda ng Republic Act No. 8239 o ang Passport Act of 1996.