-- Advertisements --

Nanindigan ang isang vaccine expert sa pagiging epektibo ng mga bakuna, sa gitna nang hindi mawalang takot ng karamihan dulot ng kontrobersya sa anti-dengue vaccine na Dengvaxia.

Pahayag din ito ng eksperto ngayong nagmamadali ang buong mundo sa pagtuklas ng epektibo at ligtas na bakuna sa pandemic na coronavirus disease (COVID-19).

Ayon kay Dr. Lulu Bravo, executive director ng Philippine Foundation for Vaccination, mahalagang maibalik ang kumpiyansa ng publiko sa bakuna na sinira ng Dengvaxia controversy.

“Little knowledge is dangerous. Kapag hindi ka nag-communicate well, hindi effective ang communication mo, ‘yan ang isang papatay sa mga tao. Importante ay magaling at mahusay ang komunikasyon natin dahil deadly din yung mga tinatawag natin na misconcepctions, myths, mga kung ano-anong naniniwala sa mga sinasabi.”

“Makinig kayo sa mga scientists, sa mga eksperto. Doon dapat nakikinig ang mga tao, hindi sa mga kung ano-anong sabi-sabi. Mga walang bait sa sarili.”

Sa ngayon malaking tulong daw ang pagkakaroon ng press conferences at interviews sa media para maipaliwanag sa publiko ang epekto ng mga bakuna.

“Walang nakita na namatay o nagkaroon talaga ng weird (na side effect) kaya ‘yan (Dengvaxia) naaprubahan in the first place.”

Kung maaalala, ilang kabataan sa bansa ang sinasabing namatay matapos turukan nang kontrobersyal na Dengvaxia.

Hanggang ngayon ay lumalakad ang imbestigasyon ng mga otoridad at nakabinbin pa sa korte ang iba’t-ibang kaso na isinampa sa mga dating opsiyal.

Aktibong isinusulong naman ng pamahalaan ang pagsasagawa ng clinical trial ng COVID-19 vaccines na dinevelop ng ibang bansa.

Ayon sa Department of Science and Technology, kailangan munang dumaan sa regulatory process ang nasabing bakuna bago subukan sa mga Pilipino.